Ang Pitong Oo ng Mga Pilipino*

Friday, August 22, 2014

Ang ating kultura ay maihahalintulad sa isang sapin-sapin: makulay, patung-patong at halu-halo. At tulad ng kakaning ito, sa kabila ng, at dahil na rin, sa kakaibang anyo at samu't saring sangkap ng ating kasaysayan at pagka-Pilipino, ang kultura natin ay hindi maipagkakailang masarap at malinamnam.

Likas ang ating pagkagiliw sa wika. Mayroon tayong natural na pagkagusto at talento sa pagkakabit ng kakaibang mga kahulugan sa mga ordinaryong salita. Kung kaya nama'y hindi na kataka-takang natukoy ng tanyag na antropolohistang si Dr. Felipe Landa Jocano ang pitong kahulugan sa likod ng "oo" ng mga Pilipino.

Ang mga sumusunod ay hango sa kanyang mga obserbasyon:

1. Ang Oo Ng Clueless
Minsan, umo-oo tayo kahit wala tayong kaalam-alam sa sagot o sa sitwasyon. May masabi lang.


2. Ang Oo ng Napasubo
Mayroong pagkakataon na dahil na rin sa kultura natin ng pakikisama, napapa-oo tayo ng wala sa oras.
3. Ang Oo ng Imbyerna
Minsan naman, sa sobrang inis natin, oo na lang.

4. Ang Oo ng Mapagparaya
May mga sitwasyon naman na umo-oo tayo para hindi na humaba pa ang usapan (dahil malapit na tayong mabadtrip)

5. Ang Oo ng Confused
Minsan naman sadyang lutang lang talaga tayo.

6. Ang Oo ng Insecure
Mayroon ding ugali ang nga Pilipino na hindi makasagot ng diretso, madalas gumigitna lang. Tila takot masuplong.
7. Ang Oo ng Galing-galingan
May mga pagkakataon namang masyado tayong nagmamarunong at pakiramdam natin mas magaling tayo kaysa sa nagsasalita, pero imbis na mangompronta tayo, dinadaan na lang natin sa pag-oo na may kasamang pag-irap.

-----------------------------

May mga katangian na maituturing na human nature o universal. Mayroon rin namang masasabing "only in the Philippines" tulad ng mañana habit, amor propio, utang na loob, suki system, at Filipino time. At, oo, maaaring may hindi sumang-ayon sa pagiging eklusibo ng mga katangian o gawaing ito sa ating mga Pilipino, ngunit ang punto rito ay hindi pag-giit sa ating indibidwalidad kundi upang ipagdiwang ang ating kultura, ang ating mga ugali at nakagawian, upang kilalanin ang ating mga kawirduhan.

Mabuhay ang Pilipinas!


*Ang lathalaing ito ay isinulat bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Buwan ng Wika. Ang Pitong Oo ng Mga Pilipino na inilista rito ay halaw sa "7 Filipino Yes" ni Dr. F. Landa Jocano at sa sariling obserbasyon ng may-akda; ang "oo" na tinutukoy rito ay hindi lamang ang aktwal na pagsasabi ng oo kundi pati na rin ang pagsangayon at pagtanggap.

You Might Also Like

0 comments